caritas philippines logo 2024

Talumpati ni Bishop Jose Colin Bagaforo
EDSA People Power @ 39
February 25, 2025 | People Power Monument

Mga kababayan, mga kasama sa laban para sa katotohanan at katarungan, isang mapagpalang araw sa ating lahat!

Ngayong araw, muli tayong nagtitipon sa makasaysayang lugar na ito—ang People Power Monument—hindi lang upang gunitain ang nakaraan, kundi upang ipaalala sa ating sarili at sa buong bayan ang tunay na diwa ng EDSA.

Tatlumpu’t siyam na taon na ang nakalipas, tayong mga Pilipino ay nagkaisa, tumindig, at buong tapang na humarap sa isang diktadurya. Wala tayong sandata kundi ang pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal sa bayan. Iyon ang isa sa pinakamaliwanag na sandali ng ating kasaysayan—isang patunay na kapag nagkakaisa ang sambayanan, walang puwersang kayang humadlang sa tinig ng katotohanan.

Ngunit mga kababayan, ang diwa ng EDSA ay hindi isang alaala lang. Hindi lang ito dapat ipagdiwang tuwing Pebrero 25. Ang diwa ng EDSA ay dapat nating isabuhay araw-araw—sa pamamagitan ng pagiging mapanuri, mapagmatyag, at matatag laban sa mga umaabuso sa ating bayan.

Masakit isipin na matapos ang halos apat na dekada, ang ating demokrasya ay patuloy na nilalapastangan. Ang korapsyon, pagsisinungaling, at pang-aabuso ng kapangyarihan ay parang naging normal na lang sa maraming lider ng ating bansa. Ginagamit ang posisyon hindi upang maglingkod kundi upang magnakaw, magpayaman, at palakasin ang kanilang pamilya’t mga kaalyado.

Hindi ba’t ito ang eksaktong dahilan kung bakit tayo lumaban noon? Bakit natin hinayaan na bumalik ang madilim na anino ng kasaysayan? Mga kapatid, hindi tayo papayag! Hindi natin papayagang muling yurakan ang demokrasya na ipinaglaban ng ating mga ninuno.

Ngayong papalapit ang halalan, alam na natin ang kanilang diskarte. Gagamitin nila ang pera, pananakot, at pekeng pangako upang lokohin tayong muli. Ngunit mga kababayan, hindi tayo para sa bentahan! Hindi natin ipagpapalit ang kinabukasan ng ating bayan sa kapirasong ayuda, sa sandamakmak na propaganda, o sa pekeng pangako ng mga trapo!

Huwag tayong maging biktima ng patronage politics. Ipanalangin natin ang ating bayan, ngunit higit sa lahat, kumilos tayo para tiyakin na ang katarungan, katotohanan, at kabutihan ang mananaig!

Ngayong araw, tayo ay hindi lang dumadalo sa isang anibersaryo. Tayo ay naninindigan. Tayo ay lumalaban. Tayo ay muling nagkakaisa upang isigaw:

Marcos, singilin!
Duterte, panagutin!
Sara, litisin!

Mga kababayan, hindi pa tapos ang laban! Huwag tayong bibitiw. Hawak-kamay tayong magpatuloy sa paglalakbay tungo sa isang mas makatarungan, mas tapat, at mas makataong Pilipinas.

Mabuhay ang bayan! Mabuhay ang diwa ng EDSA!

Tama na, sobra na, lumaban na!